Friday, December 21, 2012
Gospel Reflection for December 21, 2012 (Lk 1: 39-45))
Mga kapatid, hinding-hindi natin maipagkakaila sa kultura nating mga Pilipino na ang kababaihan ay mahilig magkalat ng balita. Mabuti nga sana kung magandang balita ito at hindi makati ang kanilang dila upang magbahagi ng tsismis.
Sa ating Ebanghelyo ngayong araw na ito (Ika-anim na araw ng Misa de Gallo) masasabi natin na sabik na sabik si Maria na bumisita sa kanyang pinsang si Elisabet na anim na buwan nang nagdadalang-tao. Naging mapagkumbaba sa Elisabet sapagkat nakita niya na papalapit na sa kanya ang ina ng kanyang Diyos. Kanya rin hinangaan ang pinsang si Maria bagamat pinagpala ito sa lahat ng babae.
Sa kwento ng pagbibisita ni Maria sa bahay ni Elisabet ay nabanggit na ang dinadala ni Elisabet na si Juan ay lumudag sa sinapupunan niya. Si Juan, bilang tagapaghanda ng daan para sa Poon nating si Hesus ay hindi lamang pinakita ang paghahanda niya sa pagdating nito noong nagbibinyag siya sa ilog ng Jordan. Naisip niyo po ban a hindi kaya ang paglundag ni Juan ay ang unang pagpapahayag niya na narito na ang Panginoon? Nanay nga lang ang naglalakad pero “fetus” pa lamang si Juan at si Hesus ay close na sila.
Mga kapatid, ang pananabik sana natin sa mga balita ay hindi sa maling bagay. Gaya nga ni Maria, kung anuman ang mensahe ng Diyos sa kanya sa pamamagitan ni Anghel Gabriel ay hindi niya ito tinago sa sarili. Kung tayo’y magpapamahagi ng mabuting balita maging sa mga e-mail, texts, o kaya naman sa social networks gaya ng Twitter o Facebook (WOW SPECIAL MENTION SILA!), sana ay kanais-nais ang mensahe at hindi lamang dahil sa may gusto tayong sabihin.
Thursday, December 20, 2012
Sulo
Sulo
Sabi
nga naman ng nakararami na ang bokasyon daw ng pagpapari ay hindi madali. Kaakit-akit
man daw ito ay hindi sinasang-ayunan ng ibang tao dahil tingin nila ay
malungkot ang buhay ng isang pari. Para sa ating mga Katoliko ay biyaya ito sa
ating pananampalataya sapagkat pinakikita ng Diyos na hindi Niya pinababayaan
ang Kanyang simbahan.
Bata
pa lamang ako ay unti-unti na akong tinatawag ng Panginoon. Hindi ko lamang
matanto kung ako ba talaga ay ginugusto Niyang magsilbi sa Kanya. Umaapoy na
ang bokasyon sa aking dibdib. Ako rin naman ay nawiwili noon tuwing ginagaya ko
ang mga pari matapos ang misa. Ngunit habang tumatagal at ako’y lumalaki, ang
bokasyon ay nawawala. Naimpluwensyahan ako nga mga tao sa aking paligid lalung-lalo
na sa kumpetensya sa paaralan na tila pampulitiko ang layunin. Ang bokasyong
nagliliyab ay para bang wala nang dingas.
Patuloy
man ang pagtawag ng Diyos sa akin ay may mga ambisyon pa rin ako at ninanais.
Akin pinakikinggan ang pagtawag Niya pero ayaw ko pa ring tumugon. Hindi naman
ito tumagal at binigyan ko ng pagkakataon ang aking sarili upang maging malaya
sa paggawa ng mga desisyon. Umabot na ng isang taon ang pagmumuni-muni at bigla
kong natanong ang aking sarili “Ito na
nga ba ang hinihintay ko? Diyos nga ba ang tumatawag sa akin o guni-guni ko
lang ito?” Naguluhan man ang aking pag-iisip ay napagpasyahan ko pa rin ang
pagtugon sa Kanyang pagtawag. Nakita ko
ang liwanag nang mga sandaling iyon-ang paghipo ng langit na damang-dama ko.
Sa
aking paglalakbay sa bokasyong pagpapari, nahanap ko ang tunay na kasiyahan at
iyon ay ang pagpapatuloy sa kalooban ng Diyos. Ang kinakailangan pala nating
gawin ay hayaan nating magpatuloy sa pagliliyab ang apoy sa nag-aalab na puso.
Ito sana ay sulo na gagabay sa iba nating mga kapatid na magpatuloy din kay
Kristo at hindi sulo na mauubusan ng panggatong sa mga oras na tayo’y nalalapit
sa tukso para lumayo sa kabutihan. Darating at darating talaga sa buhay ng
bawat isa sa atin ang mga unos kung saan mabubulabog ang bokasyon. Malakas na
malakas na hangin ang kalaban na hihipan at papatay ng apoy. Pero kung bukas
ang ating mga puso sa grasya ng Panginoon, gagawin natin ang maiinam na bagay
maprotektahan lang ang ilaw na sa ati’y gumagabay.
Liwanag
Liwanag
Sa aking paglalakbay
Pilit kong hinahanap ang tadhana ng buhay
Ako’y tuluyan pa rin sa pag-ahon
Saanman lunurin ng libu-libong alon
Mawasak man ng daan-daang sunog
Alam kong pangarap ko’y hinding-hindi mabubulabog
Aking pananalig sa Iyo’y naglalagablab
Pananampalataya sa puso’y habambuhay ay mag-aalab
Tiwala sa Iyo’y pinatibay sa mga oras na ako’y masaya
o tumataghoy
Tila pinainit na bakal sa nagliliyab na apoy
Kaya alam naming walang hahadlang sa amin
Sapagkat Ika’y kasa-kasama namin
Biyaya Mo sa lahat ang angking karunungan
Sa sanlibuta’y mananatiling kaliwanagan sa katotohanan
Panginoon, Ikaw lamang ang ilaw sa gabing mapanglaw
Tanging liwanag na magniningning at inaasam araw-araw
Subscribe to:
Posts (Atom)