Thursday, December 20, 2012

Sulo


Sulo


Sabi nga naman ng nakararami na ang bokasyon daw ng pagpapari ay hindi madali. Kaakit-akit man daw ito ay hindi sinasang-ayunan ng ibang tao dahil tingin nila ay malungkot ang buhay ng isang pari. Para sa ating mga Katoliko ay biyaya ito sa ating pananampalataya sapagkat pinakikita ng Diyos na hindi Niya pinababayaan ang Kanyang simbahan.

Bata pa lamang ako ay unti-unti na akong tinatawag ng Panginoon. Hindi ko lamang matanto kung ako ba talaga ay ginugusto Niyang magsilbi sa Kanya. Umaapoy na ang bokasyon sa aking dibdib. Ako rin naman ay nawiwili noon tuwing ginagaya ko ang mga pari matapos ang misa. Ngunit habang tumatagal at ako’y lumalaki, ang bokasyon ay nawawala. Naimpluwensyahan ako nga mga tao sa aking paligid lalung-lalo na sa kumpetensya sa paaralan na tila pampulitiko ang layunin. Ang bokasyong nagliliyab ay para bang wala nang dingas.

Patuloy man ang pagtawag ng Diyos sa akin ay may mga ambisyon pa rin ako at ninanais. Akin pinakikinggan ang pagtawag Niya pero ayaw ko pa ring tumugon. Hindi naman ito tumagal at binigyan ko ng pagkakataon ang aking sarili upang maging malaya sa paggawa ng mga desisyon. Umabot na ng isang taon ang pagmumuni-muni at bigla kong natanong ang aking sarili “Ito na nga ba ang hinihintay ko? Diyos nga ba ang tumatawag sa akin o guni-guni ko lang ito?” Naguluhan man ang aking pag-iisip ay napagpasyahan ko pa rin ang pagtugon sa Kanyang pagtawag.  Nakita ko ang liwanag nang mga sandaling iyon-ang paghipo ng langit na damang-dama ko.

Sa aking paglalakbay sa bokasyong pagpapari, nahanap ko ang tunay na kasiyahan at iyon ay ang pagpapatuloy sa kalooban ng Diyos. Ang kinakailangan pala nating gawin ay hayaan nating magpatuloy sa pagliliyab ang apoy sa nag-aalab na puso. Ito sana ay sulo na gagabay sa iba nating mga kapatid na magpatuloy din kay Kristo at hindi sulo na mauubusan ng panggatong sa mga oras na tayo’y nalalapit sa tukso para lumayo sa kabutihan. Darating at darating talaga sa buhay ng bawat isa sa atin ang mga unos kung saan mabubulabog ang bokasyon. Malakas na malakas na hangin ang kalaban na hihipan at papatay ng apoy. Pero kung bukas ang ating mga puso sa grasya ng Panginoon, gagawin natin ang maiinam na bagay maprotektahan lang ang ilaw na sa ati’y gumagabay.

No comments:

Post a Comment