“Ano nanaman iyan? Babae?” and sikat
na linya ng mga seminarista tuwing makikita nilang nagmumuni-muni ang isa sa
mga kapatid sa seminaryo na tila may gustong malutas na problema. Paano naman
kasi, totoo ngang may inspirasyon ang mga tulad namin. Marunong din kaming
humanga sa babae dahil natural iyon sa pagiging lalaki namin. Ngunit hindi
naman lahat ng mga seminarista ay masasabing ang inspirasyon sa buhay ay si Eva.
Para sa akin, may natatanging “siya”.
Malapit ako sa Diyos. Hindi kayo nagkakamali, si Kristo nga ang tinutukoy kong
inspirasyon lalung-lalo na sa mga oras na nalulungkot ako at gusto ko nang
bumigay. Nasasabi ko nga minsan sa Kanya, “Ano ba iyan? Ang hirap mong sundan.
Salamat at mahal mo ako kaya ko nagagawa ang lahat ng mga gusto mong ipagawa sa
akin.” Si Kristo bilang inspirasyon ko ay napapamalas sa mga taong nagmamahal
sa akin tulad ng aking ina. Sa aking bokasyong pagpapari, isa sa mga sisisihin
at ipagmamalaki ng ibang tao ay ang aking ina. Noong siya’y hayskul pa lamang
ay gusto raw niyang pumasok ng seminaryo, kaso unang kahilingan pa lang ay
hindi na niya nakamit dahil nga babae siya. Kung naging lalaki nga lang daw
siya ay nagpatuloy siyang maging pari. Pero ito ang nakakatuwang pangyayari sa
buhay niya. Lahat ng mga napuntahan niyang lugar ay hindi raw niya akalaing
magiging tahanan ko sa hinaharap tulad ng Novice House sa Manaoag, Pangasinan,
Sto. Domingo Convent at ang Unibersidad de Santo Tomas kung saan siya
nag-kolehiyo. May “foreshadowing” sa mga oras na iyon sa kanyang buhay.
Sa buong buhay ko, kalinga ng ina ang
tangi kong nasilayan. Napapansin ko na hindi na siya bibili ng magagarang damit
upang maipasuot lamang sa amin ang mga mamahalin at kilala sa tatak na mga
kasuotan. Ipagpapalit niya ang bagay na kinawiwilian niya kung makikita niyang
mas magiging masaya kaming mga anak niya. Isa siya sa mga masasabi kong
“superwomen” ng buhay ko. Daig pa nga niya si Darna hindi lang sa ganda kundi
pati na rin sa kalakasan. Kaya nga niyang magsilbing parehong nanay at tatay.
Kung may mga oportunidad lang na ganoon sa mga naghahanap-buhay ay malamang
pasok na siya. Pangit nga lang ay may shifting iyon at iyon ang bagay na hindi
magagawa ng aking ina. Nanay siya kahit saan siya mapunta, malapit man ang mga
anak o malayo, pasaway man kami o hindi, at kahit gabi man o umaga.
Dumating ang oras na ako’y natuto
ring manligaw. Hindi tatay ang nagturo sa akin, nanay ko. Mas maganda yung
ganoon kasi mas alam niya kung paano makukuha ang kiliti ng babae. Nagtampo ang
nanay ko. Ako ang may kasalanan. Para kasing binigyan ko ng panahon ang
pag-ibig na iyon kaysa sa aking ina. Nakapag-regalo ako sa babae noong dumating
ang Araw ng mga Puso tapos sa nanay ko hindi. Laking lungkot ko rin noon dahil
nasaktan ko nanay ko. Mas naipakita ko pang espesyal yung babae. Napagtanto ko
lang talaga kamakailan na ang tanging babaeng magmamahal sa akin ay ang aking
ina. Kinakailangan kong makipaghiwalay noon sa aking iniirog dahil gusto kong
mabigyang hustisya ang desisyon ko na pumasok sa pagpapari. Masakit yung mga
araw na iyon. Sobrang sakit! Tanging nanay ko ang tumulong sa aking hilumin ang
sugat na iyon. Hindi ako nagiging madrama. Mahirap kasi talaga yung desisyon
lalo na kung inaasahan ng mga tao na mas nararapat kang maging abugado, sundalo
o pulitiko. Tanging nanay ko ang kauna-kaunahang sumuporta sa akin na abutin ko
ang aking mga pangarap. Tuwing ako’y nagkakamali, pinapapatawad niya ako. Gaya
rin ng Inang Birhen noong nangumpisal si Pedro na tumanggi siyang kasama niya
si Hesus. Mabait nga raw akong anak kahit na medyo masungit ako sa ibang tao. Magaling
magpakalma ng init ng ulo ko ang aking ina tuwing kakwentuhan ko siya sa mga
bagay na kinaiinisan ko. Hindi na ako nagdadalawang-isip kung kailangang umiyak
sa harap niya o kaya sa linya ng telepono dahil handa siya laging makinig sa
akin.
Kung ako ay magpatuloy sa pagpapari
at naibigay ko ang huling Sakramento sa aking ina, ay tiyak isa sa mga pangarap
ko ay nakamit. Gusto ko kasi kung mawawala na ang babaeng nagbigay inspirasyon
sa akin ay sa tahimik at mapayapang lugar siya mapupunta kasama ang Diyos. Sa
kasalukuyan kong edad na 18, marunong pa rin akong ma-“in love” pero wala pa
ring tutulad kay Kristo, kay Mama Mary, San Jose at sa aking ina. Pumuti man
lahat ng buhok ko, hinding-hindi kukupas ang alaala na mga taong nagmamahal at
nagdarasal para sa akin.
No comments:
Post a Comment