Wednesday, June 4, 2014

Pangarap ng Mahirap

At walang sinuman sa kanila ang nangailangan sapagkat ipinagbili ng lahat na may mga tinatangkilik na mga lupa o mga bahay ang kanilang pag-aari. Kanilang dinala ang mga halaga ng mga bagay na ipinagbili.
–Gawa 4:34




Noong Ika-21 ng Pebrero ay napanood namin ang dalawa sa hindi mapantayang dokumentaryo ng i-Witness na “Boy Pusit” at “Iskwater”. Nababasa ko lamang sa mga pahayagan at ilang mga artikulo sa internet ang tungkol sa mga mangingisda. Wala akong kaalam-alam masyado sa kanilang buhay dahil sa Maynila ay iilan lang naman sila. Hindi gaya ng iskwater na bawat sulok ata ng Kamaynilaa’y sila ang matatanaw.



Habang pinapanood ang mga nasabing dokumentaryo ay halos maluha ako. Hindi ko alam kung may pinapahiwatig ba ang Panginoon na kinakailangan kong makita ang realidad ng buhay na mas maswerte ako sa iba ngunit marami pa rin akong reklamo. Ang mga batang naglalayag sa karagatan upang makahuli ng mga pusit na kanilang ibinibenta ay may mga matataas na pangarap tulad ko. Ang kaibahan nga lang naming ay mas madali kong maaabot ang akin. Paano ba naman kasi? Hindi na sila makapag-aral dahil kinakailangan nilang maghanap-buhay. Ang mga iskwater naman ay nakakaawa ding tignan. Hindi ko magawang makita ang sitwasyon ng isang pamilya na sasampung piso (P 10.00) lamang ang budget upang makakain ng hapunan. Habang ang lahat ay nagpapahinga sa kani-kanilang tahanan at nagsasaya na walang pasok tuwing bumabagyo, ang mga iskwater ay walang laban na magmamatyag na lamang ng mga rumaragasang tubig dahil wala silang masisilungan. Mahirap man sila ay hindi pa rin nawawala ang ngiti sa kanilang mga labi. Ngiting nagdadala ng pag-asa na may dahilang bumangon pa sila kinabukasan. Kung sana lang ay maging sensitibo ang bawat isa sa atin sa mga pangangailangan ng mga tao sa ating paligid.


Noong ako’y bata pa lamang ay lagi akong pinaaalalahanan ng aking ina na kung ako’y maging mayaman ay huwag na huwag kong kalilimutang tumulong sa mga mahihirap. Ginawa daw kaming kasangkapan o instrument ng Diyos na magkaroon ng salapi upang ipamahagi sa iba.


Gaya nga ng nakasaad sa Panalangin ng Panginoon (The Lord’s Prayer), “Bigyan Niyo po kami ng aming kakanin sa araw-araw…(Give us this day our daily bread)” Ang hinihingi lang natin ay ang pang-araw-araw at kung may lalabis man ay hindi dapat tayo maging sakim. Nagmula rin sa mahirap ng pamilya ang Diyos upang maipakita sa atin na tayo’y napupuno ng kayamanan. Kung lahat tayo ay matututo magbahagi ng kayamanan, kasiyahan, biyaya at pagmamahal, wala nang sakim sa mundo. At malamang ang Ama sa Langit ay nakangiting sasabihing, “Mahal ko kayong mga anak ko.”




Huwag sana natin kalimutan ang mga mahihirap na gaya nila. Ang bawat sakripisyo ay ialay nating dasal para sa mga taong nagbabanat din ng mga buto sa araw-araw at walang sinuman sa kanila ang mangangailangan pa.

No comments:

Post a Comment